fbpx

Mag-ama sabay pumasa sa bar exams

Labis ang pagkagalak ng mag-ama sa Albay nang malamang pareho silang nakapasa sa bar exams. Ang mag-ama ay kinilala bilang sina Bernardo Belarmino, 57, at Marie Bernardine Belarmino, 26, ng Barangay Bonga, Bacacay, Albay.

Unang nagtapos ng abogasya si Bernardo sa unibersidad ng Sto. Tomas taong 1991 ngunit ngayon lamang pinalad na makapasa matapos ang pitong re take habang ang kanyang anak naman ay first taker at mula din sa parehong paaralan.

“Umalis po ako ng bahay while waiting for the result. I just wanted to be alone during that time. Naglakad-lakad lang po ako tapos nung napadaan ako sa church dun ko na lang po napili mag-stay and nag-pray na lang din po ako while waiting to calm my anxious mind. And while nasa loob ako ng church, dun ko na nakita ‘yung result ng bar exam,” ayon kay Bernardine.

Gayun din ang pagpapasalamat ng kanyang ama dahil sa hindi pagsuko nito kahit ilang ulit na itong bumagsak,

“Nung makita ko ‘yung pangalan namin, nagsigawan kami, napaluhod ako sa altar kasi sympre sa Panginoon ang una nating pasasalamatan. Napaiyak ako kasi sabi ko nagbunga ‘yung pagsisikap ko after several attempts. Kung nawalan ako ng pag-asa, hanggang dyan na lang ako. Napakalaking blessing itong binigay sa amin ng Panginoon. My covenant with the Lord is that hindi ko talaga sasayangin itong opportunity na ibinigay sa amin. Talagang papangalagaan ko bilang isang abogado.”

Kasalukuyang nagtatrabaho sa isang law office bilang staff si Bernardine at 31 taon na ring nagtatrabaho sa Department of Agrarian Reform ang amang si Bernardo.

Written by
Bulatlat PH
View all articles
Written by Bulatlat PH