MANILA—Tinanggal na ang mga puwesto ng mga nagtitinda sa paligid ng Minor Basilica of the Black Nazarene bilang paghahanda sa pagsasara ng simbahan.
Sa inilabas na resolusyon ng national task force laban sa COVID-19, isasara ang basilica mula Enero 7, Biyernes, hanggang Enero 9, Linggo, dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Kaya para masigurong walang makalapit sa simbahan, sinimulan na ng Plaza Miranda Police Community Precinct na linisin ang paligid.
Ipatutupad ang zero-vendor policy sa paligid ng basilica kaya Miyerkules pa lang, pinagligpit na ang mga nagtitinda.
Ayon kay Police Maj Jervies Soriano, commander ng Plaza Miranda PCP, karamihan sa mga nagtitinda ay nagkusa nang umalis lalo’t maaga na silang naabisuhan.
Kahit noong wala pang pandemya, ipinagbabawal na ang mga nagtitinda sa simbahan tuwing nalalapit ang Traslacion.
Sa kabila ng pagbabawal ng physical activities at misa sa simbahan, inaasahan pa rin ng mga pulis ang mga magpupumulit makalapit sa basilica.
Kaya kokordonan na rin ang paligid nito sa bahagi ng Avenida, Recto, Carriedo streets, at southbound lane ng Quezon Boulevard.
Nasa 2,000 pulis ang ide-deploy sa Quiapo hanggang Enero 9 para masigurong masusunod ang health protocols ngayong tumataas muli ang kaso ng COVID-19.
Kaya pakiusap ng mga awtoridad at simbahan na sa online mass nalang muna makinig ng misa ang mga deboto bilang pakikiisa sa laban kontra-COVID-19.