Pansamantalang isinara ang opisina ni Pateros Mayor Miguel “Ike” Ponce III noong Enero 4 matapos magpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang ilang empleyado.
“Dahil po ilan sa mga empleyado ng tanggapan ng Punong Bayan ay nag positibo sa COVID-19 virus ngayong araw na ito, ang nasabing tanggapan ay pansamantalang isasara simula bukas, Enero 5, 2022, upang obserbahan at dumaan sa RT PCR (swab test) ang lahat ng nagtatrabaho dito at upang isailalim ang tanggapan sa disinfection,” ayon sa anunsyo ng Pateros municipal government.
Idinagdag nito na ang lahat ng mga transaksyon sa ilalim ng opisina ng alkalde ay inilipat at gagawin sa Office of the Municipal Administrator.
Idinaos ni Mayor Ponce ang kanyang regular na live broadcast sa Facebook noong Enero 4 sa labas ng kanyang opisina. Karaniwang ginagawa niya ang kanyang livestream sa loob ng kanyang opisina.
Ang mga positibong kaso sa tanggapan ng alkalde ay karagdagan sa tumataas na bilang ng mga kaso sa Pateros. Noong Enero 4, iniulat ng pamahalaang munisipyo na pitong bagong kaso ng COVID-19 ang naitala upang dalhin ang kabuuang aktibong kaso sa 63, isang pagtaas ng 66 porsiyento mula sa 38 aktibong kaso noong Disyembre 31.