MANILA, Philippines — Binalaan ni presidential candidate na si Senator Manny Pacquiao sa mga taong gumagamit ng kanyang pangalan sa pagpapatakbo ng scam na isuko ang kanilang mga sarili o kung hindi ay mapipilitan siyang mag-alok ng cash reward para sa kanilang pag-aresto.
Sinabi ni Pacquiao na nalaman niya na may ilang tao na ginagamit ang kanyang pangalan para lokohin ang mga mahihirap, marami sa kanila ay tapat na tagasuporta niya. Ang mga scammer na ito ay nagbebenta umano ng mga ID card na magagamit umano ng mga mamimili kapalit ng cash at groceries na ibibigay ng kandidato sa pagkapangulo sa kanyang campaign rally sa Candaba, Pampanga.
“Ipahuhuli ko ang mga gumagawa nito. Kapag hindi kayo lumantad diyan, mapipilitan akong magbigay ng reward para lamang madampot kayo,” ayon kay Pacquiao.
Ayon sa isang press release, nang bumisita si Pacquiao at ang kanyang koponan sa Candaba, ipinakita ng kanyang tagasuporta na si Juliet Mangilid ang mga ID card ng dose-dosenang mga barangay na nadaya na magbayad ng P250 para sa bawat ID card.
Sinabi niya na ang isa sa kanilang mga kasama, si Rosalia Marte, ay namatay nang mahulog siya sa sapa habang sinusubukang mag-recruit ng “mga miyembro” para sumali sa organisasyon ng mga tagasuporta ni Pacquiao.
Ang kaso ay isinangguni sa Candaba police habang ang grupo ni Pacquiao ay humiling sa publiko at sa news media na tulungan silang bigyan ng babala ang publiko laban sa mga scammer.
Ikinalungkot ni Pacquiao na tinutumbok ng mga scammer ang mga mahihirap bilang kanilang biktima kapag sila ay nahihirapan na.
“Alam ninyo halang ang kaluluwa ng mga ito eh. Kung iisipin natin ang mga binibiktima ninyo isang kahig isang tuka – ang mga mahihirap,” ani ni Pacquiao.
Aniya, napagtanto sa kanya ng insidente na may mga taong may kakayahang gumawa ng imoralidad laban sa mga mahihirap.
“Hindi ko akalain na may mga ganyang mga tao. Manloloko ka ng tao para mapakain ang pamilya mo. Kaya tuloy ang mga anak nagiging masama rin dahil ang mga pinakakain mo ay galing sa masama,” dagdag pa ni Pacquiao.