MANILA, Philippines — Sisikapin ni Senador Manny Pacquiao na mapuksa ang 70 porsiyento ng katiwalian sa gobyerno sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon ng kanyang administrasyon kung siya ay mahalal sa eleksyon sa Mayo.
Sa isang panayam, tinanong si Pacquiao kung gaano katagal bago malutas ang katiwalian sa bansa.
Paulit-ulit na sinabi ng boxer-turned-politician na ang pagpuksa sa katiwalian sa gobyerno ang kanyang pangunahing prayoridad kung siya ang magiging susunod na pangulo ng bansa.
“’Pag ako naupo, bigyan nyo ako ng dalawang taon. Two to three years malaki ang pagbabago. Siguro nasa mga 70% na ang nasugpo natin na korapsyon,” ayon kay Pacquiao.
“May maganda kasi kaming plano. Excited nga ako eh. May maganda akong plano kasi—kaya lang ‘di ko pwedeng sabihin at napag-usapan namin ni Bro. Eddie Villanueva na ‘yung idea niya.” dagdag pa niya.
“Kaya sabi ko, nawa’y tanggapin nya ang alok ko sa kanyang ilalagay ko siyang anti-corruption czar para pamunuan nya yung anti-corruption at maipakulong natin yung mga dapat ipakulong,” pagkukuwento pa ni Pacquiao.