fbpx

OPINION: Makabagong Pinoy Super Hero?

Nitong mga ilang mga buwan, puno at mainit ang balita at social media tungkol kay EJ Obiena. Ayos, inisip ko. Parang nationwide tsismis. Ayos, istorya ulit ng inaapi at nang-aapi. Sa ganda ng tsismis, ang daming may opinion. Andoon yung mga magaling mag-ingles at magsalita, madaming politiko at sports personalities. 

Ito na ba siya? Ang taong dapat i-idolo? Ang klaseng tao na gusto kong maging? Suriin natin si idol at suriin natin ang ating sarili. Baka mahanap natin ang sagot.

Bakit tayo tumitingala sa ating mga atleta? Hindi ba kaya idol natin sila ay dahil nakikita natin ang mga magagandang katangian ( superpowers) sa kanila? Na kahit na mas magaling sila, nakakarelate pa rin tayo sa kanila.

PSC sounds alarm on delay of EJ Obiena-PATAFA mediation

Pwede kang maging idol ko kung pareho tayo. Kaya nga bet na bet ko si Alyssa Valdez at Hidilyn Diaz.

Anong meron sila na puedeng maging ako? Andoon ang pisikal na super powers – magaling, masipag, matiisin at matiyagain.

Ngunit hindi ba dapat na andoon din ang mga hindi pisikal na katangian? Ang hindi pisikal na super powers – mapagkumbabang loob, marunong tumanaw ng utang na loob, makapamilya, madasalin, nakikinig at masunurin?

Kailangan bang pumili kung pisikal o di pisikal? Pwede rin bang sabay? Ika nga, two halves to make a whole?

Balik sa pambansang teleserye.

Inapi ba talaga si idol? Malay natin di ba. Pero ang hirap sabihing inapi siya habang nasa ibang bansa siya na may ilang milyones na budget habang milyon-milyong Pinoy ay walang pagkain at trabaho dahil sa Covid.  

Andoon tayo sa pakiramdam niyang inapi siya. Sino ba naman ang hindi magtatanggol sa sarili. Pero saan ba sa mundo ang perpekto? Nasaan yung superpower na nanunuot sa loob ng ating pagkatao tulad na lamang ng makapag kumbabang loob? Ang hirap makita lalo na noon sinabi niya na, sino ka sa team ko Mr. Sergey Bubka? O sino ka ba Mr. Juico. Wow Kuya. Yan kaya din ang sinabi mo sa tatay mong unang coach mo? Nasaaan ang pagkatao mo?

Ang hirap ng buhay at ang mga karanasang mapapait ay ang mahahalagang pagkakataon sa ating buhay. Ito ang nagbibigay ng pagkakataon para hubugin ang ating pagkatao. Kung nagkulang sa pagpapalaki sa atin ang ating magulang, pwes, ang ating sariling kamulatan ang huhubog sa atin sarili.

Ginagawa ng superhero ang tama. Para sa iba. Tahimik, may dignindad at may malasakit. Dahil Pinoy ang superhero ko, may bonus at mayroon siyang mga katangiang likha sa ating lahi. Lahat ay hindi karapatan na naayon para lang sa kanyang sarili ngunit responsibilidad na dala ng isang posisyon, isang swerte na biyaya ng Diyos.

Pero idol, bakit puro ka ako? Paano ang ibang tao? Paano ang nakakaraming madlang people na tumitingin sa iyo at nagtataka. Bakit ang hirap makita sa mga matang bukas at mulat ang super powers mo? Baka dahil simple lang, wala. Wala kasi pala.

Written by
Bulatlat PH
View all articles
Written by Bulatlat PH