MANILA, Philippines — Nangako si Presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bubuhayin ang “Bicol Express” train system, at sinabing isa ito sa kanyang mga priority project sakaling manalo siya sa May 9 elections.
Sinabi ni Marcos Jr. na ang terminong ‘Bicol Express’—na dating kilala bilang sistema ng tren na nag-uugnay sa Maynila at rehiyon ng Bicol—ay mas sikat na ngayon bilang isang pagkaing tanyag sa rehiyon.
Ipinunto niya ang pagkasira na dinanas ng Bicol Express sa paglipas ng mga taon, tulad ng mga kalamidad na tumama sa Bicol.
Noong 2006, sinuspinde ang ruta kasunod ng pananalasa ng mga bagyong Milenyo at Reming. Ang ruta ay muling binuksan noong 2011.
Sinabi ni Marcos Jr. na ang rehabilitasyon ng railway system ay aayon sa Build-Build-Build program ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Idinagdag din niya na magiging bukas siya sa mga negosasyon sa malalaking korporasyon na handang tustusan ang pagpapanumbalik ng sistema ng tren sa pamamagitan ng Public-Private Partnership program.
“Hindi naman siguro tayo nakakalimot na ang tren na biyaheng Bicol ay hindi lang nagbigay ng malaking kaginhawaan kundi nagdulot din ito ng malalim na kasiyahan sa ating mga kababayang Bikolano,” aniya.
“Ibalik natin ito pero mas pagandahin pa natin at pabilisin upang magsilbing pangunahing transportasyon ng mga Bicolano at mga dayuhang turista na naaakit sa ganda ng bayang ito,” dagdag pa ninto.