MANILA, Philippines — Inamin ni Senatorial candidate Greco Belgica na sa totoo lang ay mahirap pigilan ang mga Pilipino sa paghalal ng mga opisyal na may checkered records.
Pero aniya, iyon mismo ang dahilan kung bakit siya tumatakbo para sa isang puwesto sa Senado dahil ang pangunahing thrust niya ay ang labanan ang mga tiwali.
“Ang mga Pilipino sanay na bumoboto ng sikat kahit corrupt. Sa darating na eleksyon, maraming mananalong corrupt. That’s the truth,” sabi ng dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) chairperson.
“So kailangang meron tayong panlaban sa corrupt sa gobyerno. ‘Yun po ang serbisyo na kaya kong ibigay sa gobyerno.” dagdag pa nito.
Sinabi ni Belgica na kung siya ay mahalal, sisiguraduhin niyang magtatag ng isang istrukturang kinakailangan para labanan ang katiwalian mula sa pinakamataas na katungkulan hanggang sa antas ng barangay.
“Wala kasi tayong istraktura sa local government, wala sa barangay, walang anti corruption police. We only have the executive offices, the Ombudsman the PACC. Nandoon lang lagi sa national level,” ani pa ni Belgica.
Idinagdag niya na maglalaan din siya ng karagdagang pondo upang mabigyan ang hudikatura ng karagdagang imprastraktura at tauhan at bigyang-daan ang mga ito na pangasiwaan ang ligal na gawaing kinakailangan upang habulin ang mga tiwaling opisyal.