Tiniyak ngayong Martes ng Department of Health (DOH) na walang kakapusan sa supply ng mga gamot gaya ng paracetamol sa Pilipinas sa kabila ng pagkaubos ng stock ng ilang partikular na brand sa mga botika.
“The DOH would like to assure the public that while there is an observed increased demand for such products, there is no ongoing shortage in the Philippines,” sabi ng DOH sa isang pahayag.
Ayon sa ahensiya, nakikipag-ugnayan na sila sa mga malalaking drug store chain, local manufacturer at supplier tungkol sa status ng supply ng mga gamot.
Umapela rin ang DOH sa publiko na iwasan ang pagbili nang marami at pag-imbak ng mga gamot.
“We would like to appeal to consumers however to refrain from hoarding, panic-buying or unnecessary purchases of such medications when not clinically warranted,” anang DOH.
Ayon sa mga may-ari at empleyado ng mga botikang nakapanayam ng ABS-CBN News, simula noong Linggo ay nagkakaubusan na sila ng stock ng mga branded na gamot gaya ng Biogesic, Bioflu, Neozep at Solmux.
“This is the first time na sobrang taas ng demand talaga,” sabi ni Kace Cirelos, may-ari ng botika.
“Since kahapon, nagka-shortage kami sa branded. We encourage them to take the generic, mas mura na, mabisa rin naman,” dagdag niya.
Sa isang pahayag, sinabi ng Unilab na nakakaranas sila ngayon ng hindi pangkaraniwang demand sa mga gamot pero tinutugunan na nila ito.
Ayon din sa Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP), walang shortage ng mga gamot sa mga brand na kanilang kine-carry.
Tumaas lang din anila ang demand dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 na sinabayan ng flu season.