MANILA, Philippines — Susuriin ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang campaign guidelines kasunod ng lumuwag na COVID-19 restrictions sa bansa, inihayag ni Commissioner George Garcia.
Partikular na binanggit ni Garcia ang bagong tatag na Comelec Campaign Committee (CCC) sa ilalim ng Comelec Resolution 10730 na ipinahayag noong Nobyembre 2021.
“Napag-usapan kahapon na yung Comelec Campaign Committee ay atin po yang ire-review,” sinabi ni Garcia sa mga mamamahayag sa isang ambush interview sa tanggapan ng Comelec.
“Kailangan nang i-revisit, sapagkat noong ginawa ‘yung Comelec Resolution 10730… ay panahon kung saan napakataas ng ating COVID cases, dahil in fairness naman po bumababa na ang kaso,” dagdag pa nito.
Ang CCC ay inatasan na aprubahan o hindi aprubahan ang mga aplikasyon para sa pagsasagawa ng mga kampanya sa halalan, bukod sa iba pang mga gawain.
Ang mga political aspirants ay dapat humingi ng permit mula sa CCC at sa mga local government units sa parehong oras.
Nang tanungin kung may sapat na oras para i-recalibrate ang resolusyon, sumagot si Garcia na possible ito.