Isasailalim sa Alert Level 3 ang Bulacan, Cavite at Rizal mula Enero 5 hanggang 15 dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19.
Sinabi ngayong Martes ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang rekomendasyon ng sub-group nito na ilagay ang 3 probinsiya sa mas mahigpit na alert level.
Sa panayam naman sa TeleRadyo, sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na halos triple ang itinaas ng mga kaso ng COVID-19 sa 3 probinsiya.
Kaya uunahan na ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mahigpit na alert level para kontrolin ang galaw ng mga tao at ipagbawal ang mga pagtitipon-tipon.
Nauna nang isailalim ang Metro Manila sa Alert Level 3 simula noong Enero 3.