MANILA, Philippines — Ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang Sangguniang Kabataan (SK) at bigyan ang mga opisyal nito ng buwanang honorarium ay naghihintay ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kani-kanilang sesyon noong Miyerkules, niratipikahan ng Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan ang ulat ng bicameral conference committee sa Senate Bill No. 2124 at House Bill No.10698—dalawang panukalang batas na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 10742 o ang Sangguniang Kabataan (SK) Reform Act of 2015.
Sinabi ni Senator Sonny Angara, chairperson ng Senate committee on youth, na kasama sa panukala ang karapatang pantao at pagkakapantay-pantay ng kasarian bilang isa sa mga pagpapahalagang dapat isulong ng mga programa ng SK.
Dagdag pa niya, nakasaad din sa panukala na ang lahat ng SK members—kabilang ang chairperson, ang mga kagawad at ang mga itinalagang opisyal—ay tumatanggap ng buwanang honorarium, sa kondisyon na hindi ito dapat lumampas sa 25 percent ng mga pondo ng SK at hindi lalampas sa compensation na natanggap ng SK chairperson.
Bilang bahagi ng mga pagbabago sa R.A. No. 10742, ang panukala ay nag-uutos din sa bawat SK sa loob ng 60 araw ng panunungkulan, na humirang ng SK secretary at treasurer.
Sinabi rin ni Angara na ang hinirang na SK treasurer, ay dapat magkaroon ng edukasyon at career background na may kinalaman sa business administration, accountancy, finance, economics o bookkeeping.
Dahil niratipikahan na ng Senado at Kamara ang panukala, ipapadala na ito sa opisina ni Duterte para sa kanyang posibleng pag-apruba.