Base sa resolusyong inilabas noong Lunes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na sinuportahan ng Department of Transportation, hindi pasasakayin sa mga public utility vehicle ang mga hindi pa bakunado habang nasa ilalim ng Alert Level 3 ang Metro Manila.
Puwede naman umano silang sumakay kung “essential” ang pakay tulad ng pagbili ng pagkain, gamot at pagpunta sa trabaho pero kailangan muna nila itong patunayan.
Para sa jeepney driver na si Rey Bragasi, dagdag-trabaho ang gusto ng MMDA dahil iisa-isahin pa nila ang pag-check sa mga pasahero.
Iminungkahi ni Bragasi na ipasuot na lang sa mga pasahero ang kanilang vaccine card na parang ID.
Aminado naman ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mahirap ipatupad ang pagbabawal sa pagpapaskaay sa hindi pa nabakunahan.
“Even if we fielded all enforcement agencies or personnel namin, hindi siya mako-cover lahat. Napakalaking bagay po,” ani LTFRB Executive Director Joel Bolano.
Kaya nakiusap umano ang LTFRB sa mga pampublikong sasakyan na makipagtulungan na lang.
Inilagay ang Metro Manila sa Alert Level 3 mula Enero 3 hanggang 15 dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19.