MANILA (UPDATE) – Nagpahayag ng kumpiyansa ang punong ministro ng Bangsamoro na si Ahod Ebrahim na maipagpapatuloy ni Bise Presidente Leni Robredo ang prosesong pangkapayapaan sa rehiyon kung siya ay mahalal bilang susunod na pinuno ng bansa sa Mayo.
“We look forward with the Vice President to be our next president in order to achieve the continuity we need for the implementation of the peace process,” sinabi ng pinuno ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pagbisita ni Robredo.
Ang BARMM ay nananatiling nasa ilalim ng panahon ng transisyon, na isa sa pinakamahalagang yugto ng anumang prosesong pangkapayapaan, kung saan ang mga awtoridad ay dapat mag-set up ng mga sistema, proseso, at batas, sabi ni Ebrahim.
Aniya, isa rin itong ginintuang pagkakataon para ipatupad ang malalaking reporma at programa para sa ikabubuti ng mamamayan.
Nakipagpulong si Robredo sa mga opisyal ng Bangsamoro sa Cotabato City noong Miyerkules, halos isang buwan matapos ang pagbisita ng isa pang kandidato sa pagkapangulo, si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
Sinabi ng Bise Presidente na batid niya na ang iba’t ibang isyu ay kailangang matugunan at na siya ay nakatuon sa buong suporta sa rehiyon.
Ang partidong pampulitika ng pamunuan ng BARMM, ang United Bangsamoro Justice Party, ay hindi nagpasya kung sino ang ieendorso sa karera ng pagkapangulo, sabi ni Mohagher Iqbal, Ministro para sa Basic, Higher at Technical Education ng rehiyon.
Ang Bangsamoro ay tahanan ng humigit-kumulang 2.5 milyong botante, ayon sa datos mula sa Commission on Elections.
Nakuha ni Robredo ang pag-endorso ni Basilan Rep. Mujiv Hataman, na siyang huling gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao bago ito pinalitan ng Bangsamoro.
“Alam niya ang ating kuwento dahil pag may gulo, sakuna, o anumang isyu, agad-agad siyang pumupunta, tumatapak sa ground zero, nagpapabalik-balik– hindi para manligaw ng boto, pero para direktang mag-abot ng tulong at makinig sa ating kuwento,” ayon kay Hataman.