MANILA, Philippines — Hindi nililigawan ng Aksyon Demokratiko, ang partido ng presidential candidate na si Manila City Mayor Isko Moreno, ang suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang standard bearer, sinabi ng chairman nito.
“To be honest, we are not positively courting the support. Ang tingin namin, kung bibigyan kami ng boto ni President Duterte, that’s—kumbaga bonus na ‘yun,” sinabi ni party chair Ernest Ramel sa Headstart ng ABS-CBN News Channel nang tanungin tungkol sa pagkuha ng suporta ni Duterte.
“Maraming salamat po, President Duterte kung boboto niyo po si Mayor Isko, among others, even ‘yung mga nasa PDP-Laban (Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan),” dagdag pa nito.
Nauna nang sinabi ni Moreno na humihingi siya ng endorsement sa PDP-Laban, ang partido ni Duterte.
Nakatanggap na rin ang alkalde ng endorsement ng Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee, isang Duterte volunteer group.
Samantala, sinabi ni Ramel na patuloy ang pakikipag-usap sa One Cebu, ang naghaharing partidong politikal sa lalawigan ng Cebu.