Naitala na ng Western Visayas ang mga unang kaso nito ng mas nakahahawang omicron variant ng COVID-19 kasabay ng mga paghahanda sa ibang rehiyon sa posibleng pagsipa ng mga kaso ng sakit.
Sa Bacolod City naitala noong Martes ang kauna-unahang omicron case sa Western Visayas, sa isang 38 anyos na returning overseas Filipino na dumayo sa lungsod.
Galing umanong Amerika ang lalaking crew ng isang cruise ship at pinuntahan ang misis niyang nagtatrabaho sa Bacolod.
Napag-alamang Disyembre 15 pa dumating sa bansa ang lalaki, na nagpositibo sa COVID-19 sa ika-5 araw niya ng quarantine.
Nakumpleto naman niya ang mandatory isolation at quarantine requirement sa Maynila, at nag-negatibo na rin sa RT-PCR test bago lumipad pa-Bacolod City.
Ayon sa Bacolod city government, hindi ito local case at nagkataong late lang lumabas ang genome sequencing result sa sample ng lalaki.
Nang muling sumalang sa RT-PCR test ang lalaki habang nasa Bacolod, positibo ulit sa COVID-19 ang kanilang resulta.
Hinihintay na ngayon ang swab test result ng misis ng omicron case.
Sa Iloilo City naman naitala ang ikalawang kaso ng variant sa rehiyon, sabi ngayong Miyerkoles ni Mayor Jerry Treñas.
Ipinagpapalagay ngayon ng Department of Health na nasa mga komunidad na ang omicron variant sa harap ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.