MANILA, Philippines — Hindi nakadalo si Vice presidential candidate Inday Sara Duterte-Carpio sa nakatakdang kampanya sa Abra dahil sa sama ng panahon sa Davao, sinabi ng kanyang running mate na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa pagsasalita sa harap ng kanilang mga tagasuporta sa Abra, humingi ng paumanhin si Marcos habang ipinaliwanag niya ang kawalan ni Duterte-Carpio sa kanilang kampanya sa lalawigan.
“Hihingi lang po ako ng paumanhin na hindi po nakarating ang ating susunod na bise-presidente dahil ‘yung kaniyang—hindi siya pinalipad at umuulan doon sa Davao kaya’t hindi siya nakaalis,” ayon kay Marcos.
“Ngunit, patuloy pa rin ang kanyang padala ng pagmamahal sa inyo, ng kanyang mensahe na mahalin ang ating bansang Pilipinas,” dagdag nito
Nakatakdang mangampanya sina Marcos at Duterte-Carpio sa mga lalawigan ng Abra at Kalinga noong Miyerkules.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration, maulap na papawirin na may mga pag-ulan ang inaasahan sa rehiyon ng Mindanao dahil sa low-pressure area na makikita malapit sa Zamboanga City.