Matapos ang matagal na sigalot sa kampo ni Obiena at ng PATAFA(Philippine Athletics Track and Field Association), matutuloy na rin sa wakas ang naudlot na mediation ng dalawang panig.
Ito ay matapos na lumapit ang atleta sa PATAFA upang humingi umano ng endorsement.
Ayon sa World Athletics , hindi nila papayagang makapaglaro ang 26-anyos na pole vaulter kung walang maayos na endorsements mula sa PATAFA.
Ang PATAFA lang ang tanging kinikilala ng World Athletics bliang opisyal na pederasyon sa Pilipinas.
Ilan sa mga hiling ni Obiena sa kanyang sulat ay ang makalahok sa apat na athletic events; 1. 2022 World Indoor Athletics Championship sa Belgrade, Serbia na gaganapin sa March 18-20. 2. 31st South East Asian Games sa Hanoi, Vietnam na gaganapin sa May 12-23. 3. 2022 World Athletics Championship sa Eugene Oregon na gaganapin sa July 15-24. 4. 2022 Asian Games sa Hangzhou, China na gaganapin sa September 12-25.
Hindi naman tutol ang PATAFA dito dahil ilang ulit na ring nagbigay ng parangal si Obiena sa Pilipinas . Ngunit hangga’t hindi pa natatapos ang mediation sa pagitan nila ni EJ ay hindi pa sila makapagbibigay ng endorsement.
Sa kabila ng hidwaan ng dalawa, nangako pa rin ang PATAFA na handa itong makipagtulungan sa PSC (Philippine Sports Commision) upang matapos na ang mediation at maibigay na kailangan na endorsement.