Sinabi ni Sen Panfilo Lacson na ang pinakamalaking problema sa gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang pagkakaroon ng double standard pagdating sa kanyang mga kaalyado.
Binanggit ni Lacson, na kabilang sa mga kandidatong tumatakbo sa pagkapangulo ngayong Mayo, ang mga kaso na kinasasangkutan ng Pharmally Pharmaceutical Corp. at Philippine Health Insurance Inc. bilang patunay dito.
“‘Yung sa Pharmally, parang dinidefend pa samantalang kitang kita na ang lumalabas na ebidensya. PhilHealth, ‘di ba nung una ayaw pang tanggalin (ang lider). Napilitan lang kasi napaka overwhelming ng nakuha naming ebidensya,” ani ni Lacson.
Kamakailan lamang, inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban kay Health Secretary Francisco Duque at iba pang nauugnay sa umano’y multibillion-peso pandemic supply deal ng gobyerno sa Pharmally noong 2020 at 2021.
Ang panel, na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon, ay itinuro si Duque para sa mga paglabag sa R.A. 3019 o ang “Anti-Graft and Corrupt Practices Act” kasama ang pandarambong sa umano’y maling paggamit ng mga pondo para sa pagtugon sa pandemya.
Noong nakaraang taon, iniugnay din ang PhilHealth sa mga paratang ng malawakang katiwalian sa ahensya na pumipilit sa pagbibitiw sa ilang opisyal ng ahensya.