MANILA, Philippines – Pinuri ng retiradong world boxing champion at presidential candidate na si Manny Pacquiao ang kanyang protege, si Mark Magsayo, matapos ang tagumpay ng batang boksingero sa kanyang unang laban sa world title.
Tinalo ni “Magnifico” ang Amerikanong si Gary Russell Jr. sa pamamagitan ng majority decision para maging bagong WBC featherweight champion noong Sabado sa New Jersey (Linggo sa Manila).
Si Magsayo, 26, ay lumalaban sa ilalim ng banner ng MP Promotions ni Pacquiao.
Matapos ang tagumpay ni Magsayo, mayroon na ngayong limang aktibong Filipino boxers na may hawak na world titles.
Kasama niya sina Jerwin Ancajas (IBF super flyweight), Rene Cuarto (IBF minimumweight), John Riel Casimero (WBO bantamweight), at Nonito “The Filipino Flash” Donaire (WBC bantamweight).
Ikinatuwa rin ng Malacañang ang tagumpay ni Magsayo.
Nagpaabot din ng kanyang pagbati kay Magsayo si vice-presidential candidate Sen. Kiko Pangilinan, na sinabing magandang balita ang pagkapanalo ng boksingero para sa kanyang bayan sa Bohol, na lubhang naapektuhan ng Bagyong Odette noong nakaraang buwan.