MANILA, Philippines — Ang senatorial bid ni dating Public Works chief Mark Villar ay nakatanggap ng tulong mula sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).
Inendorso ng TUCP si Villar at 11 iba pang senatoriable para sa May 2022 national elections.
Tinuturing ni TUCP Spokesperson Alan Tanjusay si Villar bilang kanilang top pick para senador sa darating na halalan.
“Babanggitin ko lang. Number 1 sa mga senatoriable ay si Mark Villar, Ano. Siya yung top na lumabas sa survey,” ayon kay Tanjusay.
Sinabi ni Tanjusay na ang mga kandidato sa pagkasenador ay pinili batay sa mga survey na isinagawa sa mga miyembro ng grupo.
Nagpasalamat naman si Mark Villar sa TUCP sa tiwala at suporta nito.
“Nagpapasalamat po tayo sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa kanilang suporta sa ating kandidatura sa Senado. Ako po ay masaya na patuloy niyo pong sinuportahan ang aking layunin na makapaglingkod pa ating mga kababayan,” ayon kay Villar.
Sa panunungkulan ni Villar bilang kalihim ng Public Works, mahigit 6.5 milyong trabaho ang nalikha sa pamamagitan ng Build, Build, Build projects ng gobyerno.
Nangako si Villar na isusulong ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa sa bansa.
“Akin pong ipagpapatuloy ang magandang nasimulan ng Build Build Build Program upang makapagbigay ng kabuhayan para sa mga manggagawang Pilipino, asahan ninyo na patuloy kong isusulong ang kapakanan at karapatan ng mga manggagawa,” dagdag pa ni Villar.