MANILA, Philippines — Nananawagan si Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno sa mga overseas Filipino worker (OFWs) at Filipino returnees na positibo sa COVID-19 pagdating sa bansa na samantalahin ang Manila COVID-19 Field Hospital ( MCFH) kung saan maaari silang ma-accommodate nang walang bayad sa halip na gastusin ang kanilang pinaghirapang pera sa mga katulad na pasilidad.
Ayon kay Moreno, hindi mabilang na mga imigrante at OFW ang nagpadala ng cash donations noong kasagsagan ng pandemya noong 2020 at ang pagbibigay ng libreng tirahan sa mga OFW at Filipino returnees ay ang maliit na paraan ng pamahalaang lungsod upang maibalik ang pabor o bayaran ito.
Ginagarantiyahan ni Moreno na sinisigurado nila ni Vice Mayor Honey Lacuna na ang bawat sentimo na mapupunta sa kaban ng pamahalaan ay maingat na ginagastos at para sa kapakinabangan ng nakararami.
Tiniyak niya sa mga mag-a-avail ng libreng tirahan na komportable ang nasabing field hospital sa pamumuno ni Dr. Arlene Dominguez bilang direktor nito at hindi na kailangang gumastos ng kahit isang sentimo ang mga pasyente hanggang sa ganap silang gumaling.
Ibinunyag ni Moreno na ang pamahalaang lungsod ay nakakatanggap ng mga kahilingan mula sa mga OFW at Filipino returnees para sa libreng tirahan, na nagsasabing ayaw nilang mapunta sa gastusin sa hotel ang malaking bahagi ng kanilang naipon.
Sa pagbanggit sa mga tala na ibinigay ni Dominguez, sinabi ng alkalde na mula noong Disyembre 31 noong nakaraang taon, mahigit 100 OFWs at Filipino returnees ang na-accommodate sa isang partikular na oras sa MCFH.
Idinagdag ni Moreno na iniulat ni Dominguez na 105 lamang sa kabuuang 344 na kama sa nasabing ospital ang occupied hindi tulad noong nakaraang linggo na nasa 93 percent ang occupancy rate.